Sa pagsusulat ng research paper, isa sa mga unang bahagi na kailangang pagtuunan ng pansin ay ang ‘Background of the Study’. Ito ang bahagi na nagbibigay ng konteksto sa iyong pag-aaral. Para masimulan ang pagsulat nito, siguraduhin na masasagot mo ang mga sumusunod na tanong:
1. Ano ang problema mo?
Una, kailangan mong malaman at maipahayag kung ano talaga ang research problem na gusto mong tugunan. Ito ba ay tungkol sa isang pangyayari sa lipunan? Isang hamon sa agham? O baka naman isang gap sa literature? Sa bahaging ito, kailangang maging malinaw at specific ka sa iyong problema. Hindi sapat na sabihin lang na “may problema sa edukasyon” — dapat malinaw kung anong aspeto ng edukasyon ang may problema.
2. Ano na ang nagawa tungkol sa problema mo?
Sunod, kailangan mong isalaysay kung ano na ang mga nagawang paraan o solusyon sa problema mo. Ito ang simulua sa paggawa mo ng review of related literature. Dito, makakatulong ang mga naunang pag-aaral, articles, at mga libro na may kinalaman sa iyong problema. Sa pag-cite ng mga ito, siguraduhin na hindi lamang summary ang ibinibigay mo, kundi rin ang kahalagahan nito sa iyong pag-aaral.
3. Ano pa ang maaaring gawin tungkol sa problema?
Tinitignan din sa background of the study ang mga potensyal na solusyon na hindi pa nasusubukan o nai-explore. Sa bahaging ito, inilalahad kung ano ang mga gaps o kakulangan sa mga naunang pag-aaral at kung paano ito maaaring punan ng iyong pag-aaral.
4. Ano ang gagawin mo tungkol sa problema?
Sa huling bahagi, kailangan mong ipahayag kung ano ang plano mong gawin para sa problema. Ito ba ay paggawa ng isang bagong eksperimento, pag-imbento ng gadget, o pagbubuo ng isang modelo? Kailangang maging malinaw kung ano ang output na inaasahan mo at kung paano ito makakatulong sa problema na iyong tinutukoy.
TANDAAN:
Sa pagbuo ng background ng study, mahalagang tandaan ang mga sumusunod na bahagi:
- Ano ang problemang iyong tatalakayin? Kailangan mong malinaw na idescribe ang problemang gusto mong bigyang-solusyon.
- Ano na ang nagawang aksyon para sa problemang ito? Kailangan mong suriin at ibahagi ang mga naunang research at aksyon na ginawa para sa problemang ito.
- Ano pa ang maaaring gawin para sa problemang ito? Ipakita mo ang mga puwang o kakulangan na iyong nakita mula sa mga naunang pananaliksik.
- Ano ang gagawin mo tungkol sa problemang ito? Idedetalye mo ang iyong plano para sa pananaliksik.