Ang isang replicate ay isang “independent” na ulit ng experiment. Kung may tatlong replicate, ibig sabihin may tatlong iba’t ibang takbo ng experiment na parehas ang values ng mga independent variable.
Para maintindihan ito, basahin mo ang sumusunod na halimbawa:

Ang research ng grupo ni Kevin ay ang pagimbento ng recipe ng pandesal upang mas lalo pa itong lumambot.
Ang independent variable nila ay ang proportion ng ingredients.
Ang dependent variable nila ay ang softness ng pandesal.
Upang magkaroon sila ng tatlong replicate, kailangan nilang gumawa ng tatlong pandesal sa iba’t ibang panahon at kunin nila ang softness ng bawat pandesal.
May posibilidad kasi na isang pandesal lamang ang gagawin ng grupo ni Kevin, at kukunin lang nila ang softness ng pandesal nang tatlong beses. Hindi dapat replicate ang tawag sa mga values galing nito, kundi repeated measures.
Kung replicate ang gagawin nila Kevin, matutukoy natin ng tatlong independent na beses ang epekto ng independent variables sa softness ng pandesal.
Kung ang repeated measures lamang ng isang pandesal ang gagawin nila Kevin, matutukoy lang nila ang isang pandesal. Kung nasunog pala ang pandesal, nag overheat ang oven, o ano pang pwedeng mangyari na mahirap ikontrol, mas magiging malayo sa katotohanan ang value ng mga repeated measure sa epekto ng independent variable sa softness.
Tanggap natin na may mga bagay talaga na mahirap ikontrol, kaya kailangan nating mag replicate.
May mga field na iba ang tawag sa replicate at repeated measure. May mga chemist na “trial” ang tawag sa replicate o repeated measure. May mga doctor na “repeat” ang tawag sa replicate, at “replicates” ang tawag sa repeated measures. Kahit na iba-iba ang tawag natin, parehas tayo ng pagkakaintindi na kailangan ulitin ang experiment para mas matukoy nang maayos ang epekto ng independent variables.
TANDAAN:
Kung parehas ang values ng independent variables galing sa iba’t ibang takbo ng experiment, ito ay mga replicate.
Kung parehas ang values ng independent variables kasi galing sila sa isang experiment, ito ay mga repeated measures.
Kung sinasabing kailangang three replicates ang experiment mo, kailangan mo gawin ang experiment nang tatlong beses.