Sa experimental na research, tinutukoy ng researcher kung ano ang epekto kapag may baguhin siyang mga bagay. Lahat ng mga bagay na pwedeng ma-measure at mabago ay tinatawag na variable.
Para maintindihan ito, basahin ang sumusunod na halimbawa:

Pag-isipan mo kung paano magsaing ng bigas gamit ang apoy. Ano ang mga kailangan mong gawin o siguraduhin para hindi maging sobrang lambot ang kanin?
Ito ang mga potensyal na variable sa halimbawang ito:
- uri ng bigas
- lakas ng apoy
- dami ng tubig
- lasa ng kanin
- pagkalambot ng kanin
- oras ng luto
- beses ng paghugas ng bigas
- at iba pa
Lahat ng mga nasa listahan ay maaring ma-measure at mabago, kaya lahat sila ay variable. Pero, may mga variable na pwedeng ikaw ang magkontrol, gaya ng:
- uri ng bigas
- lakas ng apoy
- dami ng tubig
- oras ng pagluto
- beses ng paghugas ng bigas
at may mga variable na nagbabago kapag ginalaw mo ang mga ito, gaya ng:
- lasa ng kanin
- pagkalambot ng kanin
Lahat ng mga variable na kontrolado mo ang pagbago ay tinatawag na independent variable. Lahat ng mga variable na nagbabago dahil sa pagbago ng independent variable ay tinatawag na dependent variable.
Halimbawa, pwede mong kontrolin ang dami ng tubig at ang oras ng pagluto upang malaman ang epekto ng mga ito sa pagkalambot ng kanin. Ang mga independent variable ay ang dami ng tubig at oras ng pagluto, at ang dependent variable ay ang pagkalambot ng kanin. Isa itong halimbawa ng experimental na research. Ang layunin ng experimental research ay ang pagtukoy sa relasyon ng mga independent variable sa dependent variable.
Sa halimbawang ito, kahit dalawa ang independent variable na interesado kang pag-aralan, may posibleng epekto pa rin ang ibang variable (lakas ng apoy, atbp.) sa dependent variable. Kung wala kang interes sa kanilang epekto sa dependent variable, kailangan mong siguraduhin na di sila nagbabago sa lahat ng experiment mo. Ang mga tawag sa mga variable na pinipilit mong maging constant ay control variable.
Kung hindi mo sila ikontrol, may posibilidad na magbabago ang dependent variable at magiging mali ang pagtukoy mo sa epekto ng mga independent variable.
TANDAAN:
Ang variable ay isang bagay sa experiment na pwedeng ma-measure at mabago.
Ang independent variable ang binabago mo.
Ang dependent variable ang posibleng nagbabago dahil sa independent variable. Posible na walang epekto ang independent at control sa dependent variable.
Ang mga control variable ay mga potensiyal na independent variable na hindi mo na binabago kasi hindi ka interesado sa epekto nila sa dependent variable.